Thursday, June 7, 2012

Noli Me Tangere Kabanata 46-49


Kabanata 46 – Ang Sabungan

Katulad din ng iba pang bayan ng Pilipinas, may sabungan din sa San Diego. Ito ay nahahati sa tatlong bahagi. May pasukan ito sa pinto na binabantayan ng isang babaeng naniningil ng bayad sa pagpasok. Nakahanay naman sa magkabilang daraanan na mga tao ang mga tindera na nagtitinda ng kung anu-ano na katulad ng pagkain, gamit na maliliit sa bahay, sigarilyo at iba pa. Kalapit ito ng isang may kalakihan ding lugar na kinaroroonan ng mga tahur, magtatari at mga sobra ang hilig sa sabong. Dito nagpapalipat-lipat nang mabilis ang kuwarta sa kamay ng mga tao at pakikipagsunduan. Ang tawag sa lugar na ito ay ulutan. Ang ikatlong bahagi naman ng sabungan ay tinatawag na ruweda. Dito dinaraos ang mga sultada. Makikita sa lugar na ito ang mga taong may matataas na tungkulin, mayayaman, ang mga tahur at sentensyador.
Nasa loob ng sabungan sina Kapitan Pablo, Kapitan Basilio at Lucas. Nagtanong si Kapitan Basilio tungkol sa manok na isasabong ni Kapitan Tiyago samantalang papasok ito sa sabungan na kasunod ang dalawang alalay o utusan na may dalang isang lasak na manok at isang malaking putting tinali. Bulik naman ang manok ni Kapitan Basilio. Nagkaroon muna ng batian tungkol sa pagkakasakit ni Maria Clara, pagkaraan nagkasundo ang dalawa na paglabanin ang bulik at ang lasak sa pustang P 3,000. Parang apoy na kumalat ang paglalaban. Nagkaroon ng pustahan ang mga sabungero. Lumilitaw na dehado ang pula at llamado naman ang puti.
Habang hindi magkamayaw sa pagpusta ang ilang sabungero sa gagawing pagsusultada, ang dalawang binatang magkapatid na sina Tarsilo at Bruno ay naiinggit sa mga pumupusta. Sila ay matamang pinagmamasdan ni Lucas.Pamayamaya ay lumapit ang pinakabata sa dalawa kay Lucas at nakiusap na pautangin ito ng pera para may maipusta. Sina Bruno at Tarsilo ay may masaklap na karanasan sa mga sibil, ang kanilang ama ay pinatay sa palo ng mga ito.
Tinanong ni Lucas ang magkapitd kung payag na sila sa kondisyong kanyang ibinigay. Ayaw ng nakatatanda. Dahil dito, sinabi ni Lucas na kahit kilala man niya ang magkapatid na ayaw ipaghiganti ang pagkamatay ng kanilang ama, hindi niya mapapautang ang mga ito ng perang hindi niya pag-aari. Ang Pera, anya ay kay Don Cisostomo Ibarra. Gayunman, kung papayag sila sa kanilang amuki, madali niyang mabibigyan ng pera ang mga ito. Ikinatwiran ng dalawa, na kundi lamang sa kanilang kapatid na babae ay matagal na siguro silang nabitay. Pero, sinagot sila ni Lucas na mga nabibitay ay mga duwag lamang, walang salapi at mahihina at kung sakali ay malapit lamang ang bundok.
Samantala, pinagsalpuk na ang dalawang manok, na ilang sandali lang ay kapwa sugatan. Pero matindi ang sa puti. May tarak ito sa dibdib samantalang ang sa pula naman ay sa pakpak lamang. Gayunman, unang bumulagta ang puit na nagkikisay at sumunod naman ang pula na ipinipikit ang mga mata. Ang nanalo sa labanan ay ang pula. Hiyawang umaatikabo ang sumunod.
Nanghinayang sina Tarsilo at Bruno at hindi sila nakapusta disin sana’y nanalo ng tig-P100 bawat isa. Sa di kalayuan, nakita nila si Pedro, ang asawa ni Sisa na binibilangan ng pera ni Lucas. Naisip nilang pumusta sa sususnod na laban.
Tiyempo namang ang isusunod na paglalabanin ay ang bulik ni Kapitan Basilio at ang lasak ni Kapitan Tiyago. Nakalimutan ng magkapatid ang tungkol sa kanilang kapatid na babae. Naisip nilang walang mangyayari sa kanila kung kukunin nila ang inaalok na pera ni Lucas sapagkat si Crisostomo ay kaibigang matalik ng heneral at kasama pa nito sa pamamasyal.
Nang lumapit ang magkapatid kay Lucas, hindi sila nabigo. Sila ay binigyan ng tig- P30.00 sa kasunduang sasama sila sa pagsalakay sa kuwartel. Kapag sila ay nakapagsama pa, tig-sasampu uli sa bawat maisama nila. Kapag nagtagumpay sila sa gagawing pagsalakay, may tig-P100 at ang mga kasama nila at sila naman ay tig-P200 ang tatanggapin. Tumango sila pareho sa lahat ng kondisyon. Kaagad na tinanggap ang perang hinihingi nila.Tinagubilinan ni Lucas ang magkapatid na kinabukasan ay darating ang mga sandatang padala ni Ibarra. Sa ikawalo naman ng gabi sa makalawa ay kailangan magtungo sila sa libingan upang tumanggap ng utos. Ito lamang at naghiwalay na sil;ang tatlo. Tuloy ang sabong.

Kabanata 47 – Ang Dalawang Senyora


Habang nakikipaglaban ang lasak ni Kapitan Tiyago, magkaakbay naman na namamasyal sina Donya Victorina at Don Tiburcio upang malasin ang bahay ng mga Indio. Ayon sa Donya pangit ang mga bahay ng mga Indio. Sa kanilang paglakad, nababanas siya ng husto kapag hindi nagpupugay sa kanila ang mga nakakasalubong. Dahil dito, inutos niya sa Don na mamalo ng sumbrero. Pero, tumanggi ang Don bunga raw ng kanyang kapansanan.
Nang mapadaan ang Donya sa tapat ng bahay ng alperes nagkatama ang kanilang mga paningin. Parehong matalim. Tiningnan ng alperes ang Donya mula ulo hanngang paa, ngumuso at dumura sa kabila. Sinugod ng Donya ang alperes at nagkaroon ng mainitang pagtatalo… Binanggit ng Donya ang pagiging labandera ng alperesa samantalang pinagdidikdikan naman ng huli ang pagiging pilay at mapagpanggap na asawa ng Donya. Puyos sa galit, Habang hawak na mahigpit ang latigo ng alperes na nanaog si Donya Consolacion, upang daluhugin si Donia Victorina. Pero, Bago mag-pang-abot ang dalawa, dumating ang alperes. Umawat si Don Tiburcio. Ang pangyayari ay sinaksihan ng maraming tao na nakatawag pansin ng kanilang pagtatalakan.
Dumating ang kura at pinatitigil ang dalawa, ngunit pasinghal na binulyawan siya ng alperes kasabay sa pagtawag ditong ‘mapagbanal-banalang Carliston’. Nagalit naman ng husto si Victorina at sinabi kay tiburcio na kailangan hamunin niya ang alperes sa pamamagitan ns sabelo o rebolber. Tumanggi ang Tiburcio, kaya nahablot na naman ng di oras ang kanyang pustiso ng nagtatalak na asawa.
Pagdating sa bahay ng mag-asawa, inabutan nilang kausap ni Linares si Maria at ang mga kaibigan nito. Kay Linares nabaling ang atensyon ng Donya, inutusan nito na siya ang humamon sa Alperes sa pamamagitan ng baril o sable at kung hindi ibubulatlat nito sa madla at kay Kapitan Tiyago ang tunay nitong pagkatao. Namutla si Linares at humingi ito ng paumanhin sa Donya.
Siya namang pagdating ni Kapitan Tiyago na lugo-lugo sapagkat natalo ang kangyang lasak. Hindi pa nakapagpapahinga si Tiyago, Tinaltalan kaagad siya ng Donya. Sinabi niya sa Kapitan na hahamunin ni Linares ang alperes at kapag hindi niya ito nagawa, di dapat itong magpakasal kay Maria. Sapagkat ang duwag ay hindi nababagay sa inyong anak, pagdidiin pa ng Donya. Dahil sa narinig nagpahatid si Maria sa kanyang silid.
Kinagabihan, bago umalis sina Donya Victorina at Don Tiburcio iniwan nila ang kuwenta sa paggagamot kay Maria at ito’y umaabot sa kung ilang libong piso. Naiwan naman si Linares na nasa gipit na kalagayan.

Kabanata 48 – Ang Talinhaga


Dumating kinabukasan si Ibarra na gaya ng pagkakabalita ni Lucas sa magkapatid na Tarsilo at Bruno. Ang unang sinadya ng binata ay ang tahanan ni Kapitan Tiyago upang ibalita na siya ay hindi escomulgado at dalawin si Maria. May dala siyang sulat mula sa arsobispo na ibinigay nito sa kura at nagsasaad na inaalis na ang excomunion. Tuwang- tuwa si Tiya Isabel, sapagkat boto siya kay Ibarra at ayaw din niyang mapangasawa ng kanyang pamangkin si Maria ang kastilang si Linares. Tinawag ni Isabel si Maria at pinatuloy si Ibarra.
Ngunit biglang naumid ang dila ng binata sapagkat nakita niyang kalapit ng kasintahan si Linares na nasa balkon. Nakasandig sa silyon si Maria at may hawak na abaniko. Sa may paanan nito ay nandoroon si Linares na nagkukumpol ng rosas at sampaga. Namulat si Linares ng makita si Ibarra samantalang si Maria ay namula at hinayaang malaglag na lamang ang tangang pamaypay. Sinikap nitong tumayo, pero hinang-hina siya dahil nga sa pagkakasakit. Si Linares ay waring napapatda at hindi makapagsalita.
Sinabi ni Ibarra sa kasintahan ang dahilan ng kanyang diipinasabing pagdalaw. Nakatingin lamang sa kanya si Maria na parang inuunawa ang bawat katagang namutawi sa kanyang labi. Malungkot si Maria, kaya nakuro ni Ibarra na bukas nalamang siya dadalaw.Tumango ang dalaga. Umalis si Ibarra na ang puso ay ginugutay ng matinding pag-aalinlangan, gulo ang kanyang isip. Sa paglakad niya, humantong siya sa ipinapagawang paaralan. Binati siya ni Nol Juan at mangagawang dinatnan niyang abalang gumagawa. Binigyang diin ni Ibarra sa mga dinatnan na wala ng dapat ipangamba sa kanya ng sinuman sapagkat siya ay hindi na excomugaldo. Pero, tinugon siya ni Nol Juan na hindi nila pinapansin ang excommunion sapagkat silang lahat ay pawang excomulgado.
Nakita ni Ibarra si Elias na kasama ang mga manggagawa. Yumukod si Elias at ipinahiwatig sa pamamagitan ng tingin na mayroon siyang gustong sabihin sa kanya. Dahil dito, inutusan ni Ibarra si Nol Juan na kunin at ipakita sa kanya ang talaan nito ng mga obrero upang kanyang tignan. Nilapitan ni Ibarra si Elias na nag-iisang nagkakarga ng bato sa isang kariton. Sinabi ni Elias na nais niyang makausap ang binata nang ilang oras. Ipinakiusap nitong mamangka sila sa baybay ng lawa sa bandang hapon upang pag-usapan ang isang napakahalagang bagay. Tumango lamang si Ibarra nang makitang papalapit na sa kanila si Nol Juan. Si Elias naman ay lumayo na. Nang tignan ng binata ang talaan ng mga obrero, wala ang pangalan ng pilotong si Elias.

Kabanata 49 – Ang Tinig Ng Mga Pinag-uusig.


Nang lumulan si Ibarra sa bangka ni Elias, waring ito ay hindi nasisiyahan. Kaya, kaagad na humingi ng paumanhin si Elias sa pagkagambala niya sa binata. Sinabi ni Ibarra ang dahilan, nakasalubong niya ang alperes at gusto nitong muli na magkausap. Dahil nag-aalala siyang makita si Elias, nagdahilan na lamang siya. Nanghinayang naman ang binata ng sabihin ni Elias na di siya matatandaan ng alperes. Saglit na napabuntonghininga si Ibarra sapagkat biglang pumasok sa kanyang isip ang kanyang pangako kay Maria.
Hindi na nag-aksaya ng panahon si Elias sinabi niya kaagad kay Ibarra na siya ang sugo ng mga sawimpalad. Ipinaliwanag niya ang napagkasunduan ng puno ng mga tulisan (Si Kapitan Pablo) na hindi na binanggit pa ang mga pag-aalinlangan at pagbabala. Ang kahilingan ng mga sawimpalad, ani Elias ay (1) humingi sila ng makaamang pagtangkilik sa gobyerno na katulad ng mga ganap na pagbabago sa mga kawal na sandatahan, sa mga prayle, sa paglalapat ng katarungan at sa iba pang pangangasiwa ng gobyerno (2) pagkakaloob ng kaunting karangalan sa pagkatao ng mga tao, ang kanilang kapanatagan at bawasan ang lakas at kapangyarihang taglay ng mga sibil na madalas na nagiging puno’t dulo ng paglapastangan sa karapatang pantao.
Tumugon si Ibarra na anumang pagbabago na sa halip na makakabuti ay lalo pang makakasama. Sinabi nitong maaari niyang pakilusin ang kanyang mga kaibigan sa Madrid sa pamamagitan ng salapi at pati na ang Kapitan-Heneral ay kanyang mapapakiusapan, ngunit lahat sila ay walang magagawa. Siya man ay hindi gagawa ng anumang pagkilos ukol sa mga bagay na iyon sapagkat kung may kasiraan man ang korporasyon, ay matatawag naman nilang masasamang kailangan.
Nagtaka si Ibarra, hindi niya sukat akalaing ang isang tulad ni Ibarra ay naniniwala satinatawag na masamang kailangan na para bang nais palabasin nito na kailangang gumawa muna ng masama upang makapagdulot ng mabuti. Naniniwala siya na kapag ang sakit ay malala, kailangang gamutin ng isang mahapding panlunas. Ang sakit ng bayan ay malubha kaya’t kailangan ang kaparaanang marahas kung ito ay makakabuti. Ang isang mabuting manggagamot, anya ay sinususri ang pinagmulan ng sakit at hindi ang mga at hindi ang mga palatandaan nito na sinisikap na bigyan ng lunas. Katulad ng mga sibil na sa pagnanais daw na masugpo ang kasamaan, ito’y iniinis sa pananakot, paggawa ng marahas at walang habas na paggamit ng lakas. At kapag pinahina ang guwardiya sibil ay malalagay naman sa panganib ang katahimikan ng bayan. Paano raw magkakagayon gayong 15 taon nang may mga sibil, ngunit ang mga tulisan ay patuloy pa rin sa pandarambong. Ang mga sibil ay walang naidudulot na kabutihan sa bayan sapagkat kanilang pinipigil at pinahihirapan ang isang tao kahit na marangal dahil lamang sa nakalimutan ang cedula personal, at kapag kailangang malinis ang kanilang mga kuwartel, ay manghuhuli sila ng mga kaawa-awang mamamayan na walang lakas na tumutol.
Napag-usapan pa nila na bago itatag ang guardia civil nanunulisan ang mga tao dahil sa matinding pagkagutom. Binigyang diin naman ni Elias na ang mga sawimpalad na hinihingi ng bayan ang pagbabago sa mga palakad ng mga prayle at ng isang pagtangkilik laban sa korporasyon. Pero, sinabi naman ni Ibarra na may utang na loob na dapat tanawin ng bayan sa mga paring pinagkakautangan ng pananalig at patangkilik noon laban sa mga pandarahas ng mga may-kapangyarihan.
Lumitaw sa pagpapalitan ng kuro-kuro ng dalawa na kapwa nila mahal ang bayan. Pero, hindi napahinuhod ni Elias si Ibarra tungkol sa pakiusap ng mga sawimpalad. Kaya, ipinahayag niya kay Ibarra na sasabihin na lamang daw niya sa mga ito na ilipat na sa Diyos o sa kanilang mga bisig ang pagtitiwala na sa kapwa tao na di magtatamong-pala.

2 comments: